-- Advertisements --

Umabot na sa 27 ang bilang ng mga nasawi sa pagbagsak ng isang nine-story na gusaling itinatayo sa Barangay Balibago, Anges City, Pampanga matapos makuha ang dalawa pang bangkay nitong Miyerkules ng gabi, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Central Luzon.

Batay sa ulat ng BFP, ang ika-26 na biktima ay narekober bandang 6:40 p.m., habang ang ika-27 ay nakuha naman bandang 7:10 p.m. Nauna rito, bandang 3:45 p.m., narekober din ang bangkay ng ika-25 biktima sa kabila ng malakas na pag-ulan.

Maaalalang naganap ang insidente noong Mayo 24, kung saan gumuho ang itinatayong gusali na nabatid na planong gawing hotel. Karamihan sa mga na-trap ay mga construction worker.

Sa unang bahagi ng rescue operations, 27 katao ang nailigtas mula sa gumuhong istruktura.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa insidente.

Lumabas sa paunang resulta na may posibleng paglabag sa occupational safety and health standards sa construction site.

Nauna na ring nagpalabas ng work stoppage order ang DOLE Central Luzon dahil sa mga kakulangan sa seguridad ng proyekto, habang nagpapatuloy ang paghahanap at retrieval operations sa lugar.