-- Advertisements --

Umakyat na sa 17 ang bilang ng mga nasawi sa trahedyang pagguho ng itinatayong gusali sa Angeles City, Pampanga.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Central Luzon, na-recover ang ika-labing anim na bangkay kaninang alas dos siete ng madaling-araw, habang natagpuan naman ang ika-labing pito makalipas ang ilang oras.

Patuloy ang isinasagawang search, rescue, at retrieval operations para sa tatlo pang indibiduwal na pinaniniwalaang nasa ilalim ng guho.

Matatandaang 27 katao ang nailigtas mula sa gumuhong estruktura, na nagdulot ng matinding pagkabahala sa mga residente at awtoridad sa lugar.

Nananatiling nakaalerto ang mga rescuers at iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak na walang maiiwang biktima sa naturang insidente.

Ang trahedya ay muling nagbigay-diin sa kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga pamantayan sa kaligtasan sa mga proyekto ng konstruksyon sa bansa.

Nagpaalala naman ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan na bantayang mabuti ang mga gusaling itinatayo sa kanilang nasasakupan upang matiyak ang kalidad ng mga ito at may sapat na clearances.