Sinampahan ng unang kasong kriminal sa Angeles City Prosecutor’s Office ang may-ari at kontraktor ng gumuhong siyam na palapag na gusali sa Angeles City, Pampanga.
Ito ay sa kabila pa ng alok na aregluhin ang kaso ng labas sa korte.
Inihain ng pamilya ng isa sa mga nasawi ang reklamong reckless imprudence resulting in homicide laban sa may-ari ng ginagawang gusali na si Ernest Jackson Lim, gayundin sa isa pang may-ari, contractor na si Johnson Cu, Eng. Arlo Managsil at 7 iba pa.
Ang paghahain ng complainant ng reklamo laban sa mga nabanggit na indibidwal ay upang mabigyan ng hustisiya ang pagkamatay ng kaniyang 19 na taong gulang na kaanak na si Mark Lawrence Sapungay, na ikalawang biktimang narekober mula sa gumuhong gusali.
Inisyal na natagpuang buhay si Sapungay subalit binawian ng buhay habang sinusubukan siyang i-rescue mula sa ilalim ng debris.
Ayon kay Atty. Darwin Reyes, opisyal na tagapagsalita sa legal matters may kaugnayan sa Balibago Building Collapse investigation, mas marami pang mga complainant ang inaasahang lalantad sa mga susunod na araw.














