Pormal nang nanumpa bilang bagong ‘Associate Justice’ ng Kataas-taasang Hukuman si dating Commission on Audit Chairperson Gamaliel A. Cordoba.
Isinagawa ang naturang seremonya ng panunumpa kahapon, ika-19 ng Nobyembre 2026 sa En Banc Session Hall ng Korte Suprema sa lungsod ng Maynila.
Mismong si Supreme Court Chief Justice Rodil Zalameda ang siyang nangasiwa ng panunumpa ni Justice Cordoba na sinaksihan naman ng kanyang pamilya’t kasamahan.
Dumalo rin maging sina Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, Associate Justices Ricardo Rosario, Jhosep Lopez, Antonio Kho, Jr., at Raul Villanueva, pati retired Chief Justice Alexander Gesmundo, mga opisyal at iba pa.
Si Justice Cordoba ang siyang pumalit kay Supreme Court Associate Justice Amy Lazaro-Javier nang tuluyan itong magretiro sa hukuman ngayong buwan.
Si Associate Justice Gamaliel A. Cordoba, ayon sa Korte Suprema ay may karanasan halos tatlong dekada sa pagsasanay ng batas, public administration at serbisyo sa gobyerno.
Bago siya maitalaga sa hukuman, nagsilbi pa muna si Justice Cordoba bilang tagapangulo ng Commission on Audit mula 2022 hanggang 2026.
Maliban dito’y nagserbisyo din siya sa ilang mahahalagang posisyon sa Office of the President na ‘undersecretary’, Assistant Executive Secretary, Technical Assistant.
Bukod sa nabanggit, naging direktor pa si Justice Cordoba ng Philippine Amusement and Gaming Corporation noong 2008 hanggang 2009.
Si Associate Justice Cordoba ang ikatlong ‘appointee’ sa Korte Suprema ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa kanyang panunungkulan.















