Pinaniniwalaang mayroon pang 18 katao ang natitirang natabunan sa gumuhong gusali sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga, ayon sa lokal na pamahalaan nitong Martes, Mayo 26.
Nitong gabi ng Lunes, tuluyan nang winakasan ang rescue operations matapos mawalan ng “signs of life” sa lugar, kaya naman sinimulan na ang retrieval operations ngayong araw.
Ayon kay Bureau of Fire Protection Region 3 spokesperson Maria Leah Sajili, nakasagap pa ng signal ang mga thermal sensor noong Lunes ng umaga, subalit wala nang natagpuang nakaligtas o bangkay.
Aniya, karamihan sa mga nawawala ay mga construction worker na natutulog sa site nang maganap ang trahedya. Pahayag naman ng lokal na pamahalaan at BFP, ibinatay ang bilang ng mga nawawala sa ulat ng mga kaanak na naghahanap sa kanilang mga mahal sa buhay.
Nauna nang narekober mula sa gumuhong siyam na palapag na gusali ang labi ng apat na biktima. Kabilang dito ang isang lalaking Malaysian national at dalawang construction workers, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng ikaapat na biktima.
Sa kasalukuyan, hindi pa matukoy ang sanhi ng insidente. Gayunpaman, sinisilip na ng mga imbestigador ang mga ulat ukol sa ilegal na pagpapatayo ng ika-10 palapag para sa isang swimming pool, na hinihinalang nagdulot ng labis at hindi kalkuladong bigat sa istruktura. Ang nasabing karagdagang palapag ay wala sa orihinal at aprubadong disenyo ng building permit noong 2023, kung saan malinaw na hanggang siyam na palapag lamang ang pinahintulutan ng pamahalaang lungsod ng Angeles.












