Nagpaalala si Senate Sports Committee Chairman Senator Christopher “Bong” Go na dapat magkaroon ng sapat at “world-class” na suporta sa national athletes ng Pilipinas, habang binigyang-diin na kailangang itigil ang sisihan at ituon ang pansin sa pagpapabuti ng sistema sa palakasan.
Bagama’t binati ng senador ang mga tagumpay ng bansa sa larangan ng sports, inihayag niya ang kanyang pagkadismaya matapos mabalitaan ang masalimoot na pinagdaraanan ng ilang mga atleta habang nag-eensayo.
“Nakakalungkot pong marinig na may mga national athletes tayong kailangan pang mangutang para lamang may pamasahe papunta sa training,” pahayag ni Go.
Binigyang-pansin din niya ang mga ulat hinggil sa hindi nababayarang allowances at mga pagkakataong sariling bulsa ng mga atleta ang nagagastos para sa kanilang pagkain.
“These are athletes representing the Philippines. Hindi dapat problema ng isang national athlete kung saan siya kukuha ng pamasahe para makapag-training. Hindi dapat sila mangutang para lang makapag-ensayo para sa bayan,” giit ng senador.
Pinaalalahanan din ni Go ang publiko at ang mga opisyal na huwag lamang sumakay sa tagumpay ng mga atleta kapag nag-uuwi na ang mga ito ng medalya.
“Pag nanalo ang ating atleta maraming sumasakay kaagad. Pero habang naghihirap sa training pa lang, wala namang nakikiramay o walang nakikisakay sa pagsakay nila ng Angkas papunta sa training,” dagdag pa niya.
“Hindi puwedeng kapag may medalya, lahat tayo proud at nakiki-celebrate, pero habang naghahanda sila, sila lamang ang naghahanap ng paraan para makapag-training, makapagpagamot, makakuha ng international exposure, or worse makahanap lamang ng pamasahe at pagkain habang nag-eensayo.”
Nanawagan din ang chairman ng Senate Sports Committee ng pagmamalasakit at hinimok ang mga sports organization na ilayo ang mga atleta sa pampulitika at panloob na alitan ng mga koponan o pederasyon.
“Pakiusap ko lang po sa lahat, konting pagmamalasakit naman sana sa ating mga atleta. Hindi dapat ma-apektuhan ang ating mga atleta ng sports politics. Whatever disagreements, governance issues, financial difficulties, or institutional problems may exist among sports organizations, our athletes should never be the ones who suffer.”
Sa huli, iginiit ni Go na kung nanais ng bansa ang magandang resulta sa mga pandaigdigang kompetisyon, dapat itong tumbasan ng tamang alaga at pondo mula sa simula pa lamang.
“We cannot demand world-class performances from our athletes if we do not provide them with world-class support,” pagtatapos ng senador.















