-- Advertisements --

Inaasahang aabot sa halos 1.9-milyong pasahero ang dadaan sa Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX sa loob ng 11 araw na Undas travel rush mula October 25 hanggang November 4, 2026.

Batay sa pagtataya ng PITX, posibleng pinakamaraming pasahero ang bumiyahe sa October 30, Biyernes, na tinatayang aabot sa 200,000.

Dahil dito, pinaiigting ng terminal ang pakikipag-ugnayan sa Department of Transportation, LTFRB, LTO, MMDA, Philippine National Police at iba pang ahensya upang matiyak ang ligtas at maayos na operasyon sa panahon ng dagsa ng mga biyahero.

Nakikipag-ugnayan din ang PITX sa mga bus operator para pag-aralan ang pagdaragdag ng mga bus at biyahe, lalo na sa mga rutang probinsya na karaniwang dinaragsa tuwing Undas.

Ayon kay PITX Corporate Affairs and Government Relations Director Jason Salvador, pinag-aaralan din ang pagdaragdag ng mga tauhan na tutulong sa pila, ticketing, pagsakay ng mga pasahero, inspeksiyon ng bagahe at seguridad.

Posible ring makaapekto sa dami ng mga biyahero ang mga idineklarang special non-working day sa Metro Manila kaugnay ng ASEAN Summit sa Nobyembre.

Pinapayuhan naman ang publiko na bumili ng tiket nang mas maaga, tiyakin ang iskedyul ng biyahe sa kanilang bus operator at dumating sa terminal nang mas maaga upang maiwasan ang abala sa panahon ng dagsa ng mga pasahero.