-- Advertisements --

Inihahanda na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang emergency response team para sa nalalapit na pagsisimula ng panahon ng tag-ulan.

Sa isang pahayag ngayong Biyernes, Mayo 22, sinabi ni PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr. na nakikipag-ugnayan na ngayon ang police units sa mga lugar na bahain at delikado sa pagguho ng lupa, sa local disaster councils for planning on preemptive evacuation, traffic management and rescue operations.

Ayon pa sa PNP chief, naghahanda na rin ang pambansang pulisya ng quick reaction teams at search-and-rescue units sa mga lugar na madalas na maapektuhan ng mga pagbaha at bagyo.

Nauna na ngang iniulat ng state weather bureau na maaaring magsimula ang panahon ng tag-ulan sa huling linggo ng Mayo o sa unang linggo ng Hunyo.

Kaugnay nito, tiniyak ni Gen. Nartatez na nakahanda ang kanilang personnel na tumulong para sa rescue, evacuation at humanitarian operations kung kinakailangan.

Inihahanda na rin ang police assistance desks para tulungan ang mga mananakay at mga residenteng maapektuhan ng masamang lagay ng panahon sa rainy season.

Hinihimok naman ng hepe ang publiko na manatiling alerto, i-monitor ang mga opisyal na abiso mula sa weather bureau at mga lokal na awtoridad at sumunod sa evacuation protocols kung kinakailangan.