Pinangunahan ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, presidente ng Lakas-CMD, ang paghahain ng House Bill 8191 na nagbibigay ng 50% diskwento sa kuryente para sa mga pamilyang may minimum wage earner sa kanilang pangunahing tirahan. Kasama rin sa panukala ang automatic lifeline enrollment para sa mga marginalized at vulnerable na konsyumer.
Ayon kay Romualdez, bahagi ang bill ng GINHAWA KIT -Kuryente, Internet, Trabaho na layong bawasan ang pasanin ng tumataas na gastos sa pamumuhay.
Binigyang-diin ni Rep. Romualdez, tungkulin ng mga mambabatas na magbigay ng konkretong tulong at isa sa pinakamadaling paraan ay bawasan ang gastos sa kuryente sa pamamagitan ng pagsusulong ng batas.
Sinabi ni Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez na ang 50% diskwento ay para sa mga bahay na may kahit isang minimum wage earner, at ito ay susuriin at ire-revalidate paminsan-minsan upang matiyak na tama at lehitimo ang benepisyo.
Para kay Deputy Speaker Jay Khonghun, ang diskwento ay makakatulong agad sa mga pamilya dahil ang kuryente ay pangunahing pangangailangan na kaugnay ng kalusugan, edukasyon, kaligtasan, at kabuhayan.
Kasama rin sa panukala ang 100% diskwento sa lifeline rate para sa mga households na kumokonsumo ng hanggang 50 kWh kada buwan, ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega.
Layunin din ng bill na mapadali ang enrollment ng mga benepisyaryo, lalo na sa mga pamilyang nasa malalayong lugar, ayon kay Rep. Zia Alonto Adiong.
Ayon naman kay Dep. Speaker Janette Garin, bahagi ang panukala ng GINHAWA KIT legislative package na nakatuon sa pagpapababa ng gastusin sa kuryente, internet, at trabaho.
Nakapaloob din sa bill ang mga mekanismo para protektahan ang programa laban sa pang-aabuso, kabilang ang one-household, one-account rule, verification standards, at periodic revalidation.
Iminumungkahi rin ng panukala ang pagbuo ng inter-agency monitoring at oversight committee sa pangunguna ng DSWD, kasama ang ERC at DOE bilang co-chairperson, upang subaybayan ang implementasyon, tiyakin ang wastong benepisaryo, at maiwasan ang leakages, alinsunod sa Data Privacy Act.










