Sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Miyerkoles na nagpadala umano ng “feelers” si dating kongresista Zaldy Co upang makipag-ugnayan sa mga awtoridad at humiling ng isang posibleng “dialogue” sa pamahalaan.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, nakikipagkomunikasyon umano si Co sa ilang pari na kanyang kilala upang iparating ang hangaring makipag-usap.
Nilinaw ng kalihim na hindi pa beripikado ang impormasyon ngunit handa umano ang DILG kung sakaling magpakita ng intensyon si Co na makipag-ugnayan.
Si Co ang sentral na personalidad sa umiinit na isyu ng mga flood control projects na iniuugnay sa umano’y maanomalyang infrastructure insertions.
Dating chairman ng House appropriations panel si Co, isang makapangyarihang posisyon sa Mababang Kapulungan dahil hawak nito ang pagbuo ng panukalang pambansang badyet.
Kasalukuyan namang may warrant of arrest laban kay Co kaugnay sa umano’y anomalya sa flood control project sa Oriental Mindoro. (report by Bombo Jai)
















