-- Advertisements --

Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr na kung mabibigyan ng pagkakataon ang Pilipinas na maging miyembro ng United Nations Security Council (UNSC), hindi lamang para sa sariling interes ng bansa ang gagampanan nitong papel kundi para rin sa kapakanan ng iba pang mga bansa.

Ito ang inihayag ni Palace Press Officer USec. Claire Castro.

Dagdag pa ng opisyal ng Palasyo na ang boses at layunin ng bansa ay itaguyod ang pandaigdigang kaligtasan, kapayapaan, at seguridad kasama ang iba pang mga kasaping estado ng United Nations. 

Maaari rin  anyang  talakayin ng Pilipinas sa Security Council ang sarili nitong mga isyu hinggil sa pambansang seguridad.

Ang Pilipinas ay naghahangad na makakuha ng non-permanent seat sa United Nations Security Council para sa termino ng 2027–2028, kung saan nakatakdang ganapin ang halalan sa Hunyo 3, 2026. 

Bilang pangunahing sangay ng United Nations na may tungkuling panatilihin ang pandaigdigang kapayapaan at seguridad, ang UN Security Council ay nangangasiwa rin sa mga sitwasyong nangangailangan ng peacekeeping operations sa iba’t ibang panig ng mundo.