Opsiyonal para kay Vice President Sara Duterte ang personal na pagdalo sa mga pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaints laban sa kanya.
Ito ang inihayag ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, chair ng komite.
Sinabi ni Luistro na iimbitahan ang bise presidente kapag nagsimula na ang formal hearings, ngunit nasa kanya kung dadalo o hindi dahil bahagi ito ng kanyang due process rights.
Ipinaliwanag din niya na sa pagdinig ay ihaharap ng mga complainant ang kanilang mga testigo at ebidensiya bilang bahagi ng proseso ng impeachment.
Samantala, kailangan ng 28 boto mula sa 55 miyembro ng komite upang makamit ang mayorya at maipasa ang desisyon kung may probable cause ang mga reklamo at maipasa ito sa plenaryo ng Kamara.
Sa hiwalay na botohan, napagpasyahan na ng komite sa 54–1 na boto na sapat sa substansiya ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaint laban sa bise presidente.
Binanggit din ni Luistro na tiningnan ng ilang mambabatas ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte at mga bank record matapos kuwestiyunin kung tugma ang mga deklaradong ari-arian sa kanyang iniulat na kita.














