-- Advertisements --

Dumating na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang unang repatriation flight mula sa Dubai kasunod ng patuloy na labanan sa Middle East.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Dave Gomez, sakay ng Emirates flight EK336 ang mga Pilipinong umuwi sa bansa kasama ang iba pang apektadong biyahero.

Pinangunahan naman ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang pagsalubong sa 299 repatriates, kabilang ang mga sanggol at bata.

Umalis ang eroplano sa Dubai alas-9:55 ng gabi (oras sa Pilipinas) at naghatid pauwi ng mga overseas Filipino worker, turista at iba pang biyaherong pansamantalang na-stranded.

Ayon sa pamahalaan, nakahanda na ang mga contingency measure upang tulungan ang mga Pilipino sa abroad kung lumala pa ang sitwasyon, habang patuloy naman ang koordinasyon sa mga ahensya ng gobyerno at airline partners.