Nanawagan si Senator Raffy Tulfo sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na agad kanselahin ang certificate of registration at licenses to sell ng mga delinquent developers na nabigong magtayo ng maayos na pabahay para sa mga mamimili, partikular sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Housing and Resettlement nitong Martes, binatikos ng senador ang mabagal na pag-aksyon ng ahensya sa mga reklamo ng mga bumibili ng real estate at ang hindi pagpapatupad sa mga desisyon ng Korte Suprema.
Ikinatwiran ni DHSUD Supervising Senior Usec. Sharon Faith Paquiz na ang Human Settlements Adjudication Commission (HSAC) ang may pangunahing mandato sa pagresolba ng mga kaso.
Inamin din ng ahensya na wala silang hurisdiksyon sa mga developers bago ang aplikasyon ng lisensya, at ang sheriff lamang ng HSAC ang may kapangyarihang magpatupad ng writs of execution para sa refunds.
Dahil dito, inatasan ni Tulfo ang DHSUD na magtatag ng proaktibong sistema upang imbestigahan ang kapasidad ng mga developers bago pa man mabigyan ng lisensya, upang maprotektahan ang pinaghirapang pera ng mga Pilipino.















