Sinita ng Commission on Audit (COA) ang umano’y nangyaring kapabayaan sa implementasyon ng P200-million shelter assistance program para sa mga biktima ng kalamidad.
Ayon sa komisyon, nagkaroon ng delay sa payout, ilang palyadong tseke, at hindi maayos na paghawak sa pampublikong pondo, na naglagay sa mga benepisyaryo sa panganib.
Ayon sa komisyon, nabigo ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na maayos na suriin o tukuyin ang mga karapat-dapat na benepisyaryo para sa emergency shelter asistance, sa ilalim ng Integrated Disaster Shelter Assistance Program nito.
Sa naturang programa, ang bawat pamilya na may nawasak na bahay ay makakatanggap ng tig-P30,000 habang ang bawat pamilyang bahagyang nasira ang kanilang tahanan ay makakatanggap naman ng P10,000.
Sinuri ng COA ang emergency response na ginawa ng DHSUD sa ilalim ng naturang programa na pinondohan sa ilalim ng 2024 budget.
Kabilang sa mga natuklasan ng komisyon ay ang mga sumusunod:
Una, hindi nagsagawa ng independent inspection ang DHSUD sa mga nasirang bahay at sa halip ay dumepende lamang ito sa mga dokumentong isinumite ng mga lokal na pamahalaan.
Pangalawa, natuklasan ng komisyon na nagkaroon ng mahabang delay sa paglabas ng assistance. Ayon sa COA, umabot mula 59 hanggang 186 days ang naging processing time, lalo na sa Metro Manila – labis na taliwas sa ’emergency assistance’ na layunin ng naturang programa.
Wala din umanong malinaw na deadline ang DHSUD para sa ilang hakbangin sa pagpapatupad ng programa, kasama ang validation sa mga dokumento at pag-aproba sa paglabas ng pondo.
Natuklasan din ng komisyon na may duplicate payouts o mayroong benepisyaryong nakatanggap ng shelter assistance ng ilang beses mula sa magkakaibang ahensiya.
Sinita rin ng komisyon ang paglakip ng mga benepisyaryo ng hindi maayos na larawan, hindi kumpletong form na isinumite, at ang hindi kumpletong dokumento na nagpapatunay na mayroon nang nangyaring payout.
Nangyari umano ito sa ilang mga rehiyon sa bansa.















