Nanawagan si House Committee on Justice vice chairperson Representative Joel Chua para sa beripikasyon ng mga lagda sa impeachment complaints laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Idinulog ng mambabatas ang naturang concern sa pagdinig ng komite ngayong Lunes, Enero 2 matapos ideklara bilang sufficient in form ang isa sa impeachment complaint laban sa Pangulo.
Sinabi ni Rep. Chua sa komite na mahalagang maberipika ito dahil kalaunan ay posibleng maibasura umano ang mga lagda.
Ipinaliwanag naman ni Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima na hindi kailangan ang verification dahil mayroon aniyang presumption of authenticity ng mga lagda maliban na lamang kung kwestyunin ito, doon lamang maaaring hilingin sa signatory na kumpirmahin ang kaniyang lagda.
Ikinatuwiran naman ni Chua na isang critical component ang pagberipika sa lagda sa pagtukoy kung “sufficient in form” ang mga reklamo.
Tinukoy din ng mamababatas na hindi present sa pagdinig ang nagnotaryo ng mga dokumento para kumpirmahing personal na humarap ang signatories sa notaryo publiko.
Samantala, kinilala naman ni Committee chair at Batangas Rep. Gerville Luistro ang punto ni Rep. Chua subalit iginiit na tanging ang mga miyembro ng panel at mga nag-endorso lamang ang present sa pagdinig ngayong araw.
Ang hearing proper ay isasagawa pa lamang sa huling bahagi ng impeachment proceeding matapos na madetermina kung may sapat na porma at substansiya ang dalawang inihaing impeachment complaint laban sa Pangulo.
Sa huli, pinagtibay ng House Justice Committee na sufficient in form ang dalawang impeachment complaint laban sa Pangulo kung saan ilan sa mga naging batayan ay ang paglabag umano sa Konstitusyon at betrayal of public trust.
















