Inaprubahan ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc) ang panukalang dagdag na P10 bilyon para sa programang Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk bilang bahagi ng mga panukalang dagdag-pondo sa 2027 national budget.
Layunin ng pondo na magbigay ng karagdagang ayuda sa mga magsasaka at mangingisdang maaapektuhan ng mga kalamidad at iba pang hamon sa sektor ng agrikultura.
Ang iminungkahing P10 bilyon ay karagdagang alokasyon matapos mapansin ng panel na walang nakalaang pondo para sa naturang programa sa 2027 National Expenditure Program.
Ayon kay House Committee on Appropriations Chairman at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing, noong 2026, naglaan ang pamahalaan ng p10 bilyon para sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk.
Aniya, milyun-milyong magsasaka at mangingisda ang naging benepisyaryo ng cash assistance mula sa programa.
Kasama rin sa mga panukalang dagdag-pondo para sa sektor ng agrikultura ang P500 milyon para sa fertilizer assistance at P125 milyon para sa solar-powered irrigation pumps, bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño.
Ang karagdagang P10 bilyon ay bahagi pa lamang ng proseso ng pagtalakay at pag-apruba sa 2027 national budget.
















