Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa mga transport operators laban sa matagal na pagsususpinde ng operasyon habang nakatakdang magsagawa ng panibagong transport strikes ang ilang grupo.
Ayon sa LTFRB, maaaring maituring na abandonment ang pagtigil ng 60 porsyento ng operasyon ng isang operator sa loob ng itinakdang panahon.
May katumbas itong P5,000 na multa sa unang paglabag, suspension ng prangkisa sa ikalawa, at cancellation ng prangkisa sa ikatlong paglabag.
Samantala, iginiit ni PISTON president Mody Florando na karapatan ng mga driver at operator ang magsagawa ng transport strike.
Aniya, hindi dapat takutin o I-intimidate ng gobyerno ang mga nasa transport sector, lalo na sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.
Nakatakda ang transport strike ng MANIBELA mula September 28 hanggang 30, habang September 29 hanggang 30 naman ang ikinasa ng PISTON.
Kasabay nito ang pagpapatupad ng fare increase, na inaasahang dagdag pasanin sa mga commuter.
Giit ng mga transport group, kailangan ng pangmatagalan at konkretong hakbang para tugunan ang mataas na presyo ng langis at epekto nito sa kita ng mga driver at operator, bukod sa panandaliang ayuda o fuel subsidy.
















