Iginiit ng state weather bureau na ang kahalagahan ng maagang paghahanda upang maibsan ang matinding epekto ng pinangangambahang Super El Niño sa buong bansa.
Ayon kay Masbate Chief Meteorological Officer Rizza Bartolata sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, posibleng tumagal hanggang sa ikalawang kalahati ng taong 2027 ang epekto ng naturang penomena.
Inihayag ng opisyal na simula ngayong buwan ng Oktubre ay mararanasan na ng apat na lalawigan sa Bicol Region, kabilang ang Camarines Sur, Camarines Norte, Sorsogon, at Catanduanes—ang drought condition.
Pagpasok naman ng buwan ng Nobyembre, ang mga lalawigan ng Sorsogon at Masbate ay makararanas na ng dry spell.
Inaasahan namang lalala ang sitwasyon mula Disyembre hanggang Marso dahil ang buong Bicol Region na ang posibleng ilagay sa ilalim ng buong drought condition.
Dahil dito, nagbabala si Bartolata sa malaking pinsalang idudulot ng apat na buwang tagtuyot lalo na sa sektor ng agrikultura at sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Hinimok ng opisyal ang pamahalaan, mga lokal na komunidad, at bawat sambahayan na magtulong-tulong sa paghahanda upang mabawasan ang matinding epekto ng krisis sa supply ng tubig at pagkain.









