-- Advertisements --

Isinailalim na sa State of Calamity ang bayan ng Dueñas sa lalawigan ng Iloilo matapos makaranas ng matinding dry spell o tagtuyot na labis na pumipinsala sa mga sakahan.

Sa isang panayam ng Bombo Radyo kay Acting Provincial Agriculturist Jeron Magbanua, kinumpirma nito na umabot na sa tatlong sunod-sunod na buwan na walang nararanasang pag-ulan sa nasabing bayan, dahilan upang matuyo ang mga bukirin at maapektuhan ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.

Tiniyak naman ni Magbanua na nakahanda ang pamahalaang panlalawigan na magpaabot ng agarang tulong sa bayan ng Dueñas, kabilang ang pagbibigay ng irrigation assistance, solar pumps, at insurance claims para sa mga naapektuhang pananim.

Sa kasalukuyan, patuloy na binabantayan ng Iloilo Provincial Agriculture Office ang iba pang karatig-bayan sa lalawigan na maaari ring magdeklara ng kaparehong status dahil sa lumalalang shortage sa suplay ng tubig.

Inaasahan na ngayong buwan ng Oktubre ang opisyal na onset o pagsisimula ng matinding epekto ng El Niño, kaya mas pinahigpit pa ng local government unit ang pagsubaybay sa kalagayan ng mga magsasaka at sa pangkalahatang sektor ng agrikultura sa buong rehiyon.