Naidulog na sa Supreme Court ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez ang petition for certiorari and prohibition matapos pagbotohan ng Senate Impeachment Court ang bagong paraan ng pagtukoy sa voting threshold para sa conviction sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa halip na manatili sa dating itinakdang 16 votes, nagpasya ang impeachment court noong September 23 na ang two-thirds requirement ay ibabase sa mga senador na legal at aktuwal na maaaring lumahok sa proceedings kapag oras na ng judgment.
Sa naturang botohan, 13 senator-judges ang bumotong pabor, habang isa ang kumontra at anim naman ang hindi lumahok.
Dahil dito, naghain si Rodriguez ng petition for certiorari and prohibition sa Supreme Court noong September 24, at hiniling na ideklarang null and void ang naturang ruling.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez, iginiit nitong ang naging desisyon ng Senate Impeachment Court ay hindi lamang simpleng procedural rule, kundi maituturing na pagbabago sa mismong voting requirement na nakasaad sa Saligang Batas.
Ayon kay Rodriguez, kinikilala niya na may kapangyarihan ang Senado na gumawa ng rules para sa impeachment proceedings.
Ngunit giit niya, hindi kasama sa rulemaking power na iyon ang kapangyarihang amyendahan o baguhin ang mismong probisyon ng Saligang Batas.
Dahil 24 ang kabuuang miyembro ng Senado, ang dating interpretasyon ng impeachment court ay nangangailangan ng 16 votes.
Ngunit sa bagong ruling, maaaring magbago ang denominator depende sa kung sinu-sino ang ituturing na legally at factually capable of participating sa proceedings.
Kaya sa kanyang petition, hiniling ni Rodriguez sa Supreme Court na ipawalang-bisa ang bagong ruling ng Senate Impeachment Court at pigilan muna ang pagpapatupad nito habang dinidinig ang constitutional challenge.
Patuloy namang hinihintay ang magiging aksyon ng kataas-taasang hukuman sa mga petisyong kumukuwestiyon sa bagong voting threshold.















