Iginiit ng election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na dapat matuloy ang pagsasagawa ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ngayong 2026.
Naniniwala aniya siyang kinakailangan maituloy ang eleksyon sa nakatakda sanang petsa na ika-2 ng Nobyembre sa taon kasalukuyan.
Hindi raw dapat itong mapigilan sapagkat ang pagpapaliban ng aabot ng tatlong taon ay maituturing paglabag umano sa karapatan makaboto.
Naniniwala naman ang abogado na ang Commission on Elections ay maaaring i-adjust ang ‘election period’ sakaling maglabas ng kautusan o resolusyon ang Korte Suprema.
Magugunitang naghain ng ‘Petition for Certiorari and Prohibition’ ang abogado sa Korte Suprema upang kwestyunin ang R.A. No. 12326, batas nagdulot para di’ muna matuloy ang eleksyon sa barangay.
Kalakip sa petisyon ang kahilingan na mag-isyu ang hukuman ng Temporary Restraining Order o TRO, layon mapigilan implementasyon ng nabanggit na batas.
Hiling din niya na maatasan ang Commission on Elections o COMELEC na ipagpatuloy nito ang paghahanda para di’ umano masayang ang oras.
Umaasa ang naturang abogado na agad aaksyunan ng Kataas-taasang Hukuman ang petisyon at mapagbigyan ang mga kahilingan.
















