Bubuksan ng Bureau of Customs (BOC) ang pagkakataon para sa mga interesadong mamimili na makuha ang mga high-end vehicles na nakumpiska mula sa pamilya Discaya sa pamamagitan ng isang sealed bidding sa Pebrero 11, 2026.
Sa inilabas na abiso ng ahensya, kabilang sa mga top-tier units na isasalang sa subasta ay ang Rolls-Royce Cullinan, Bentley Bentayga, at iba pang luxury SUVs.
Kasama rin sa listahan ang dalawang unit ng Bugatti Chiron na inaasahang pag-aagawan ng mga high-profile bidders.
Gaganapin ang naturang public auction sa Office of the Commissioner Building sa Port Area, Maynila.
Upang masiguro ng mga lalahok ang kalidad ng mga sasakyan, nagtakda ang BOC ng public viewing simula sa Pebrero 5 hanggang Pebrero 6 sa BOC-Port of Manila Grounds.
Dito ay maaaring inspeksyunin ng personal ang mga yunit bago magsumite ng bid.
Ang mga naturang sasakyan ay dating nasabat ng mga otoridad matapos mapatunayang ipinasok sa bansa nang walang kaukulang import documents at hindi nagbayad ng tamang buwis.
Kung maaalala, naging sentro ng kontrobersiya ang pamilya Discaya dahil sa mga imbestigasyon kaugnay ng bilyon-bilyong pisong halaga ng “flood control projects” at mga alegasyon ng smuggling activities.
Binigyang-diin ng BOC na ang lahat ng malilikom na pondo mula sa auction ay ididiretso sa National Treasury.
Bahagi ito ng mas pinalakas na kampanya ng pamahalaan upang mabawi ang mga itinuturing na ill-gotten wealth at mapakinabangan ng taumbayan.
















