-- Advertisements --

Nakumpleto na ng Department of Education (DepED) ang 391 modular school buildings na idinisenyong makatiis sa malalakas na bagyo at lindol, habang 150 iba pa ang kasalukuyang itinatayo.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang mga gusaling tinawag na learning continuity space ay maaaring maitayo sa loob lamang ng apat hanggang walong linggo.

Bawat unit ay may dalawa hanggang limang silid-aralan, tatlong palikuran, pasilidad para sa malinis na tubig at sanitasyon, at sistema ng pag-iipon ng tubig-ulan.

Kayang tiisin ng mga gusali ang hanging aabot sa 250 kilometro kada oras at idinisenyo rin upang magkaroon ng maayos na bentilasyon at natural na liwanag.

Bahagi Ito ng programa ng DepEd na tugunan ang kakulangan sa 165,000 silid-aralan sa bansa.

Nakatakdang magpatayo ng kabuuang 878 modular school buildings sa unang dalawang yugto ng proyekto.