-- Advertisements --

Inilarawan ni House Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima bilang isang uri ng pananakot ang pagsasampa ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte ng mga kasong cyber libel at libel laban sa ilang mamamahayag sa bansa.

Sa isang pahayag, kinondena ni De Lima ang naturang hakbang, na aniya ay maaaring magamit upang hadlangan ang malayang pamamahayag at ang pagbibigay ng impormasyon sa publiko.

May kaugnayan ang mga kaso sa mga alegasyong inilantad ng sinibak na pulis na si Rodulfo Gracioso Jr., na nagsabing siya ang naghahatid ng mga maleta na umano’y naglalaman ng pera para sa pamilya Duterte.

Binigyang-diin din ni De Lima na ang pagsasampa ng kasong libel laban sa isang media network ay maaaring ituring na panggigipit sa kalayaan ng pamamahayag, lalo na sa pag-uulat hinggil sa mga alegasyon ng korapsyon sa bansa.

Dagdag pa niya, maaari namang sagutin ng mga kinauukulan ang mga alegasyon, lalo na kung hinihingi ng media ang kanilang panig, sa halip na magsampa agad ng mga kaso laban sa mga mamamahayag.

Ayon kay De Lima, bahagi ng pananagutan ng isang lingkod-bayan sa taumbayan ang pagbibigay ng paliwanag at pagtugon sa mga isyung inilalapit sa kanila ng publiko.