Naglabas ng warrant of arrest ang makati City Regional Trial Court Branch 148 laban kay Atty. Levito Baligod para sa dalawang bilang ng cyberlibel.
Nag-ugat ito sa inihaing reklamo ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na inakusahang tumanggap ng kickback sa maanumalyang flood control projects.
Bukod dito pinagbabayad si Baligod ng P20,000 piyansa para sa kada bilang ng cyber libel. Inatasan din ang mga awtoridad na sundin ang mga panuntunan ng Korte Suprema sa paggamit ng body-worn cameras o iba pang recording devices habang isasagawa ang pag-aresto sa abugado.
Kinumpirma naman ni Baligod na natanggap niya ang kopya ng warrant of arrest.
Ngunit giit niya na hindi siya nabigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang kanyang sarili dahil hindi umano siya nakatanggap ng subpoena mula sa piskalya.
Ayon pa sa abogado, mali umano ang address na ibinigay sa panahon ng imbestigasyon kaya hindi siya nakapagsumite ng kanyang counter-affidavit.
“Nakalusot ang kaso na ito ni DA Secretary Laurel Tiu dahil sadyang mali ang binigay na address ko sa piskalya, kaya naman hindi ako nakatanggap ng subpoena at hindi naka-sumite ng counter-affidavit,” ani Baligod.
Si Baligod ang tumatayong counsel ng 18 nagpakilalang dating bodyguard ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co na kasalukuyang at large dahil sa mga kasong kinahaharap sa bansa.
















