Humihiling ang depensa ni Vice President Sara Duterte sa Senate impeachment court na pahintulutan silang magharap ng rebuttal evidence sa mga alegasyong saklaw ng tatlong iniurong na articles of impeachment.
Ayon kay Atty. Michael Wesley T. Poa, tagapagsalita ng defense team, hindi nila kinokontra ang desisyon ng prosekusyon na i-withdraw ang Articles I, III at IV. Ang kanilang concern ay kung mabibigyan pa sila ng pagkakataong magharap ng mga testigo upang sagutin ang mga ebidensiyang naiharap na, partikular sa usapin ng confidential funds at grave threats.
Iginiit ni Poa na mahalagang marinig ng publiko ang magkabilang panig upang magkaroon ng buong pag-unawa sa mga alegasyon. Nais din nilang maipaliwanag ng kanilang mga testigo ang mga isyung tinalakay na ng prosekusyon bago inalis ang mga naturang artikulo.
Inihambing din ni Poa ang sitwasyon sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona, kung saan ayon sa kaniya, hindi pa nakapaghaharap ng ebidensiya ang prosekusyon sa mga artikulong iniurong nito. Sa kasalukuyang kaso, nauna nang naglahad ng testimonya ang prosekusyon sa ilang alegasyon bago nagpasya na bawiin ang mga ito.















