-- Advertisements --

Hinimok ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules ang prosecution panel sa kanyang impeachment trial na iwasan ang pagmamataas at pang-iinsulto sa gitna ng mga pagdinig.

Sa pahayag ni Duterte, na siinabi nito na tigilan ang pagmamataas at pagtawag ng mga mapanirang pangalan.

Giit niya, dapat nakatuon ang paglilitis sa mga ebidensiya at sa mga alegasyong inihain laban sa kanya, sa halip na mauwi sa palitan ng mga insulto.

Ayon kay Duterte, ginawa niya ang pahayag matapos tawagin ni Lorna Kapunan, abogado ng prosecution panel, na “bully” o mapang-api si Shiela Sison, ang pangunahing abogado ng depensa.

Nangyari ito sa pagdinig noong Martes, kung saan binatikos ni Sison ang pag-atras ng mga tagausig sa tatlo sa apat na artikulo ng impeachment laban sa bise presidente.

Dagdag pa niya, isa itong madaling paraan upang siraan ang taong nagtatanggol sa sarili laban sa napakalaking pagpapakita ng kapangyarihang politikal.

Dagdag pa ni Duterte, ginagawa lamang ni Sison ang kanyang tungkulin bilang abogado. Aniya, mula pa noong 2023 ay naglalaan na ng napakaraming oras ang kanyang legal team sa paghahanda para sa kaso, kapalit ng kanilang oras sa pagtulog, panahon kasama ang pamilya, at kapanatagan ng isip upang pag-aralan ang mga dokumento at ihanda ang kanilang depensa.