-- Advertisements --

Binatikos ni House Prosecution spokesperson Terry Ridon si Vice President Sara Duterte at ang kaniyang lead defense counsel na si Atty. Sheila Sison sa gitna ng kanilang mga puna sa naging asal ng prosecution sa impeachment trial.

Ito ay matapos ipagtanggol ni VP duterte si Atty Sison laban sa akusasyon ng pambubully na ibinato ni prosecution lawyer Lorna Kapunan.

Bilang tugon, sinabi ni Ridon na magkatulad ang asal ng abogado at ng kaniyang kliyente.

Kinuwestiyon din ni Ridon ang paglalarawan ng depensa sa ilang desisyon ng prosecution bilang hindi patas, at iginiit na hindi lahat ng pangyayari sa impeachment trial ay kailangang umikot kina Duterte at sa kaniyang mga abogado.

Samantala, inihayag rin ng mambabatas na hindi na kailangan pang iharap si Mary Grace Piattos sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, at sa halip ay dapat personal na ipaliwanag nina Duterte at ng kaniyang asawang si Atty. Mans Carpio ang mga financial record na iniharap sa Senado.

Ayon kay Ridon, ang alegasyon ng unexplained wealth na lamang ang pokus ng prosecution matapos iurong ang tatlong iba pang articles of impeachment, kabilang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds.