Naniniwala ang dating University of St. La Salle law dean na si Atty. Ralph Sarmiento na hindi nakagawa ng grave abuse of discretion ang Senate Impeachment Court sa naging ruling sa mga nilaglag na article.
Ayon kay Sarmiento, na dati ring nagsilbi bilang University of St. La Salle law dean, ang naging ruling ng trial presiding officer ay sumusunod lamang sa batas at mga naunang jurisprudense kaya’t hindi ito maituturing na abuse of discretion.
Sa ganitong argumento, hindi na aniya kailangan pang dalhin sa Supreme Court ang desisyon ng impeachment court.
Gayonpaman, hindi naman aniya labag sa batas kung bigyan ng maikling pagkakataon ang Defense team ni VP Sara Duterte para makapagpaliwanag o makapagpresenta ng mga ebidensiya sa mga article na dati nang natalakay ng impeachment court.
Ayon kay Sarmiento, salig sa prinsipyo ng ‘fairness’ ang naturang usapin, at ang pagbibigay ng maikling panahon sa Defense team ay pagbibigay ng panahon sa respondent para sagutin ang mga alegasyon na matagal ding tinalakay sa televised proceedings.
Hiniling ng batikang abogado na kahit ‘limited time’ lamang ang ibigay sa defense para lamang sagutin ang ‘material points’ na unang naipresenta ng House panel.
Kahit aniya hindi na pagdedesisyunan ng mga senator-judge ang mga nilaglag na article, lalo na ang dalawang naunang natalakay na alegasyon, mainam pa ring mabigyan ang Defense ng oportunidad na sagutin man lang ang mga alegasyon sa televised proceedings, tulad noong nagpresenta ang House panel.















