Naniniwala ang grupong Bantay Senado na maaaring dumanas ng ‘backlash’ ang House Prosecution panel kasunod ng desisyong ilaglag ang tatlong impeachment articles laban kay VP Sara Duterte.
Iginiit ng group convenor na si Dr. Gary Dionisio na bagaman maraming factor aniya ang tiningnan ng prosekusyon upang makapag desisyon na bitawan ang tatlo sa apat na Articles of Impeachment, hindi maiiwasang batuhin ang panel ng iba’t-ibang pagpuna at batikos, lalo na mula sa mga supporter ng pangalawang pangulo.
Kabilang dito ang posibilidad na ituturing ng marami bilang mahina ang mga ebidensya ng House panel kaya’t napagpasyahan na lamang nilang tuluyang iatras ang tatlong mabibigat na alegasyon.
Maaari rin aniyang batikosin ng marami ang House panel dahil sa hindi pagbibigay ng pagkakataon sa kampo ni VP Sara na sumagot sa mga naunang naipresentang alegasyon.
Sa kabila nito, sinabi ni Dr. Dionisio na batid niyang estratehiya ng House panel ang kanilang naging desisyon at tiyak na napaghandaan nila ang anumang impact nito, bago pa man ito pormal na inihain sa Senate Impeachment Court.















