Iginiit ni Senator Bong Go ang kahalagahan ng katotohanan, katarungan, at pananagutan kasunod ng naging desisyon ng House prosecution panel na ibasura ang tatlo sa apat na articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Binigyang-diin ng senador na dapat magkaroon ng isang patas na paglilitis upang maipahayag nang buo ng parehong panig ang kani-kanilang mga argumento sa harap ng impeachment court.
Ayon kay Go, kung nakapaghain na ng mga ebidensya at testimonya ang prosekusyon, nararapat lamang na bigyan din ng sapat na pagkakataon ang kampo ng depensa na marinig at maiprisinta ang kanilang panig.
“Gusto natin makakita ng isang pantay at pantas na laban, kung nakasuntok na yung kabila bigyan mo naman ng pagkakataon na lumaban naman yung kabila ng patas,” pahayag ng senador ukol sa kahalagahan ng pagrespeto sa karapatan ng Bise Presidente na makapaghain ng kontra-ebidensya.
Dagdag pa niya, mas magiging makabuluhan at katanggap-tanggap ang anumang magiging huling desisyon sa kaso kung parehong nabigyan ng pantay na tsansa na lumaban ang magkabilang panig.















