Tiwala ang National Bureau of Investigation sa mga ebidensya nitong nakalap patungkol sa umano’y ‘misdeclarations’ ng ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth ni Vice President Sara Duterte.
Sa panayam kay NBI Dir. Atty. Melvin Matibag, kanyang pinanindigan at iginiit na ang kanilang mga ebidensya ukol rito ay malinaw.
Base kasi sa SALN ng ikalawang pangulo, ang idineklarang lote sa Brgy. Catigan, Davao City ay isang ‘agricultural land’ ngunit nang tingnan ay natuklasan meron umanong ‘helipad’ sa loob nito.
Bukod sa ‘helipad’, mapapansin at nakita din aniya na mayroon pang ‘farm to market road’ ito na natukoy sa ‘item 6 at 7’ ari-arian nakadeklara sa SALN ng bise presidente.
Kaya’t sinabi ng direktor na mas mainam personal nilang bisitahin ang naturang lote o ‘property’ matapos itanggi ng opisyal na kanya itong pagmamay-ari.
Kahapon (October 14, 2026) ay tuluyan nang ipinasa ng NBI sa Office of the Ombudsman ang kahun-kahon ebidensya patungkol sa isyu ng ‘misdeclarations’ ng ari-arian sa SALN ng ikalawang pangulo.















