-- Advertisements --

Itinuring ni Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan o PDP-LABAN National Spokesperson Atty. Ferdinand Topacio bilang ‘scripted’ ang pag-iimbestiga ng National Bureau of Investigation sa mga Duterte. 

Bilang tagapagsalita ng partido, naniniwala aniya siya na ‘choreographed’ o planado ang ginagawang imbestigasyon ng naturang kawanihan. 

Giit ni Atty. Topacio, bahagi umano ito sa ‘pattern’ ng panggigipit kay Vice President Sara Duterte kasabay sa kinakaharap din nitong ‘impeachment trial’ sa Senado. 

Kaya’t hindi na aniya sila nagtataka kung bakit ang mga Duterte ang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation. 

Magugunitang una nang pinabulaanan ni NBI Director Atty. Melvin Matibag ang paratang na ‘trial by publicity’ ang kanilang pag-iimbestiga. 

Mariin niyang sinabi na nakabatay sa ebidensya at dokumentong hawak ang natuklasang umano’y ‘misdeclared’ na mga ari-arian ni Vice President Duterte na siyang isinumite na sa Office of the Ombudsman.