Magiging malaking hamon umano sa defense team ang posibilidad ng personal na pagpapaharap kay VP Sara Duterte habang nasa kasagsagan ng presentasyon ang kaniyang defense team.
Ayon kay Atty. Tranquil Salvador, isa sa pinakamalaking hamon para sa defense team ng pangalawang pangulo ang pagpapasya o pagdedesisyon kung tuluyan ba siyang haharap sa impeachment trial.
Tiyak aniyang magkakaroon ito ng legal implications, lalo na kung papayagang umupo sa witness stand at hayaang sumalang sa cross examination ng prosecution panel.
Maliban dito, mayroon din aniyang political considerations dahil maaaring tanungin ng publiko kung haharapin ng bise presidente ang mga isyung bumabalot sa umano’y kaniyang nakatagong kayamanan.
Ang political issue aniya ay posibleng mas malaking konsiderasyon para sa defense team, lalo na at kakailanganing sagutin ng pangalawang pangulo ang mga alegasyong ibinabato sa kaniya.
Si Atty. Tranquil Salvador III ay dating nagsilbi bilang spokesperson at member ng defense panel noong 2012 impeachment trial ni former Chief Justice Renato Corona.
Noong humarap ang dating Punong Mahistrado aniya, siya mismo ang nagdesisyon, kahit humingi rin siya ng payo ng kaniyang legal team noon.















