Pinanindigan ni National Bureau of Investigation Director Atty. Melvin Matibag ang ginawang pag-iimbestiga ng kawanihain ukol sa idineklarang ari-arian ni Vice President Sara Duterte sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
Sa naganap na pulong balitaan ngayong araw, kanyang muling iprenesenta sa publiko at isa-isang ipinakita ang mga inimbestigahang lote o property ng mga Duterte.
Binigyang diin ni NBI Dir. Matibag na malinaw ang ebidensya o dokumentong nakalap na susuporta sa sinasabing ‘misdeclarations’ sa SALN ng ikalawang pangulo.
Giit niya’y hindi marites ang mga ibinunyag na pagkakaiba sa deklarasyon ng halaga sa mga ari-arian ng bise presidente at asawang si Atty. Manases Carpio kumpara sa aktwal na ‘assesed value’ ng lote.
Pirmado at nakalagay aniya sa dokumento ang tinukoy na pagmamay-ari ng mag-asawa na siyang itinanggi lamang ng ikalawang pangulo.
Bukod sa naturang ari-arian, ipinakita ng direktor ang iba pang ‘property’ na sinasabing pagmamay-ari din umano ng ikalawang pangulo o ng mga Duterte.
Tiwala ang direktor sa natuklasan ari-arian ng bise presidente sapagkat ito aniya mismo ang idineklara ng opisyal batay sa pinakahuling isinumiteng SALN.
Kaya’t sa kabila ng pagtanggi ng ikalawang pangulo, tanong ng direktor sa kanya kung bakit nakalagay sa kanyang SALN ang tinukoy na mga ari-arian.















