Nakalaya na ang lahat ng 10 mula sa 14 na tinaguriang “Maleta Boys” matapos makapaglagak ng piyansa para sa kanilang mga kasong perjury sa Las Piñas Regional Trial Court (RTC).
Maaalalang inaresto ng Las Piñas City Police ang 10 sa kanila kahapon matapos bigong makapagpiyansa sa apat na bilang ng perjury.
Agad na nakalaya naman kahapon ang tatlo matapos makapagpiyansa sa itinakdang deadline ng korte habang ang isa ay nasa probinsya.
Nagpasalamat naman si Atty. Levito Baligod, ang abogado ng 14 na maleta boys, sa mga tumulong para makapagpiyansa ang kaniyang mga kliyente.
Nag-ugat ang kanilang kaso sa kanilang mga naunang alegasyon laban sa ilang opisyal ng gobyerno na kanilang iniugnay sa umano’y korapsiyon sa flood control projects.
Samantala, ang apat na iba pa mula sa 18 maleta boys ay nauna nang nagrecant o binawi ang kanilang mga naunang salaysay. Kabilang sa mga bumaliktad ay ang mga nag-dawit kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr, dating House Speaker Martin Romualdez, at iba pang opisyal ng gobyerno sa kickback scheme mula sa flood control projects.
Nauna naman ng ibinunyag ni Atty. Baligod ang umano’y pagtatangkang suhulan ang mga dating bodyguards, na nag-recant ng kanilang mga pahayag. Inaasahan naman na isiwalat ng mga ito ang nasa likod ng umano’y tangkang panunuhol sa kanila.
Ang 18 maleta boys ay dating bodyguards ni dating congressman Zaldy Co na naghatid umano ng male-maletang pera sa matataas na opisyal.
Bukod sa perjury sa Las Piñas City, nahaharap din ang grupo sa anim na bilang ng cyber libel sa iba pang korte.















