-- Advertisements --

Sinimulan ngayong Lunes, Oktubre 12, ang bail hearing ni dating House Speaker Martin Romualdez sa Sandiganbayan Third Division sa pamamagitan ng video conference kaugnay ng kasong plunder o pandarambong.

Dalawang testigo na tinaguriang “Maleta Boys” ang dumalo sa pagdinig, kabilang sina George Villanon Jr. at Johny Buduan.

Unang tumestigo si Villanon, na nagsabing kabilang siya sa mga naghatid umano ng mga maleta na naglalaman ng pera sa isang lugar sa McKinley para kay Romualdez.

Sa pagdinig, ipinakita rin sa korte ang mga video at litrato ng mga maleta na umano’y naglalaman ng pera at iniugnay sa paghahatid nito sa tirahan ni Romualdez sa Taguig.

Ayon kay Villanon, ipinadala niya ang mga naturang video at litrato sa kanyang asawa, si Edna Balderama Peralta, noong Nobyembre 21, 2023, bandang alas-dos ng hapon.

Nang tanungin kung bakit niya ipinadala ang mga larawan at video na may kasamang mensaheng “puro pera laman niyan deliver kay Romualdez,” sinabi ni Villanon na nais lamang niyang i-update ang kanyang asawa tungkol sa kanyang ginagawa.

Magkakasamang nahaharap sina Romualdez, dating Ako Bicol representative Zaldy Co, at dalawa pang indibidwal sa kasong plunder kaugnay ng umano’y pagtanggap ng mahigit ₱7 bilyong kickback mula sa mga proyekto ng pamahalaan sa pagitan ng 2022 at 2025.

Gayunman, ang mga pahayag ng mga testigo ay bahagi pa lamang ng mga ebidensiyang sinusuri ng hukuman. Hindi pa ito katumbas ng pinal na hatol sa pagkakasala ng mga akusado.