-- Advertisements --

Tinanggal ng Senado ang nasa P97.5 bilyong halaga ng mga proyektong hindi sumunod sa panuntunan mula sa panukalang 2027 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos ang ilang linggong pagsusuri, ayon kay Senador JV Ejercito.

Ipinaliwanag ni Ejercito na karamihan sa mga tinapyas na pondo ay inilipat sa mga foreign-assisted flagship projects matapos matugunan ang kailangang counterpart funding, habang ang natitira ay inilaan sa mga lokal na imprastraktura upang pasiglahin ang ekonomiya sa mga lalawigan.

Binanggit ng mambabatas na ang mahigpit na pagkontrol sa paggastos kasunod ng kontrobersya sa flood control ay nagpabagal sa konstruksyon at nagdulot ng matamlay na paglago ng ekonomiya na nakaapekto sa mga negosyo at ordinaryong Pilipino.

Dahil dito, iginiit niya ang pangangailangang balansehin ang pananagutan at transparency kasabay ng pagpapabilis sa paggastos ng pamahalaan upang maiangat ang economic growth mula sa dalawang porsyento patungong lima hanggang anim na porsyento sa 2027.

Hinimok din ni Ejercito ang mga ahensya na pabilisin ang pagpapatupad ng mga aprubadong proyekto upang makabawi ang bansa sa pagbagal ng aktibidad sa konstruksyon at maibsan ang hirap na nararanasan ng mamamayan.