Nagpahayag ng pangamba si Senator Pia Cayetano sa umano’y pressure sa mga senator-judge, kabilang ang epekto nito sa kanilang kalayaan at kakayahang magsalita sa Senado.
Sa sesyon ng impeachment court noong Setyembre 16, sinabi ni Cayetano na nakaramdam siya ng pressure matapos umano siyang tratuhing parang pugante ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa kanyang pagpunta sa Singapore kasama ang kapatid na si Senator Alan Cayetano.
Binanggit niya ang ilang Senador na kasalukuyang nakadetine, nagtatago dahil sa banta ng kaso o warrant, o naka-medical leave at umano’y nakatanggap din ng banta ng pagsasampa ng kaso.
Ayon kay Cayetano, nagpunta lamang siya sa Singapore upang suportahan ang isang national team, ngunit naging usapin umano ang kanyang biyahe matapos magbigay ng pahayag ang nbi director tungkol sa kanyang kinaroroonan at petsa ng pagbabalik.
Iginiit ni Cayetano na nais lamang niyang maipahayag ang kanyang mga obserbasyon, kasabay ng pagbabahagi ng kanyang pangamba para sa kanyang personal na kalayaan.
















