-- Advertisements --

Iimbitahan ng National Bureau of Investigation ang mga nadawit at pinangalanan indibidwal ng dating security aide ni former House Speaker Lord Alan Velasco na si Rodulfo Gracioso Jr. sa isinumite nitong sinumpaang salaysay.

Ayon kay NBI Dir. Atty. Melvin Matibag, ang pagpapatawag ng kawanihan ay bahagi ng isinasagawang imbestigasyon at pagbibigay pagkakataon na makapagsalita ang nadawit na mga personalidad.

Sa naturang ‘sworn affidavit’ kasi ni Gracioso, kanyang binanggit ang pangalan nina Vice President Sara Duterte, Davao City Rep. Paolo Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte, former House Speaker Velasco, Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo at iba pa.

Iniugnay ni Gracioso ang kasalukuyang kinatawan ng ikalawang distrito ng Marikina na si Rep. Miro Quimbo sa pag-deliver ng pera sa dating House Speaker nanggaling umano kina Curlee at Sarah Discaya.

Si Miro Quimbo, asawa ni dating Marikina 2nd Dist. Rep. Stella Quimbo na nagsilbing ‘acting chairperson’ ng House Committee on Appropriations noong bumaba sa pwesto si former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co .

Sa sinumpaang salaysay ni Gracioso, itinuro nito si Rep. Miro Quimbo na isa sa mga pinagmulan ng ‘cash delivery’ at sinabing ilan ulit nangyari ang pagdadala ng pera mula sa mga contractor.

Kanyang ibinunyag na mas naging madalas umano ang pag-deliver ng pera matapos itong maging Speaker ng House of Representatives noong Oktubre 2020.

Dagdag pa ni Gracioso, inutusan umano siya noon ng kanyang Boss Allan para mag-pickup ng pera galing kay Rep. Quimbo at dalhin sa isang lugar upang bilangin.

Maliban pa rito’y may iba pang mga insidente ng pag-deliver ng maletang pera ngunit iginiit ni NBI Dir. Matibag na kinakailangan pang maberipika ang mga isiniwalat ni Gracioso bago tuluyan paniwalaan.