Kinuwestiyon ni Davao City 1st District Representative Paolo Duterte ang constitutionality ng naging desisyon ng senado bilang impeachment court na baguhin ang voting threshold para sa conviction kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Duterte, hindi nangangahulugang constitutional na agad ang isang interpretation dahil lamang nakakuha Ito ng majority vote.
Binigyang-diin niya na nakasaad sa konstitusyon na kailangan ang concurrence ng two-thirds ng “All the members of the senate” para sa conviction.
Giit ni Duterte, kung binago ng Senado ang paraan ng pagbilang sa “All the members,” hindi na lamang ito usapin ng Parliamentary arithmetic kundi isang constitutional question na dapat umanong resolbahin ng supreme court.
Sinabi rin ni Duterte na kung pipiliin ng apektadong panig na iakyat sa supreme court ang usapin, dapat umanong ang high court ang magpasya kung naaayon sa konstitusyon ang interpretasyon ng Senado.
Samantala, nagpahayag si Duterte ng matinding puna sa ilang Senador at sa naging proseso, kabilang ang alegasyon niyang naaapektuhan ng political ambitions ang hustisya.
Iginiit niya na pansamantala lamang ang mga posisyon sa gobyerno habang nananatili ang konstitusyon, at sinabi ring hindi umano sila matatakot o mabibili.















