Hinarang ng mga awtoridad ang halos P20.7 milyong halaga ng pinaghihinalang ketamine sa Port of Clark nitong Martes, Oktubre 6.
Na-flag ang kargamentong nakadeklara bilang “compact ceramic fan” nang ito’y iparaan sa X-ray kung saan natuklasan ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang aktwal na laman nito mula sa mga kahina-hinalang imahe ng nasabing bagahe.
Dito tumambad ang pitong transparent plastic bags na may lamang 4,140 gramo ng white crystalline substance na pinaghihinalaang ketamine.
Batay rin sa mga dokumento ng kargamento, galing ito sa Amsterdam, Netherlands at nakatakdang i-deliver sa Valenzuela City.
Nai-turn over naman ang narekober na ebidensiya sa laboratoryo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa laboratoty analysis at confirmatory testing ng pinaghihinalaang droga.
Isinagawa ang operasyon kontra-droga sa pangunguna ng BOC katuwang ang ahensiya ng PDEA at Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs (CRK-IATFAID).
















