-- Advertisements --

Kumpyansa ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na humigit-kumulang 5,000 indibidwal ang direktang makikinabang mula sa isang bagong pamamaraan na ipinapatupad sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang positibong pag-asang ito ay nag-ugat sa direktang utos ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling sa Social Housing Finance Corporation (SHFC) na bigyang-buhay muli at pagtuunan ng pansin ang mga natenggang proyekto sa pabahay na matagal nang hindi natatapos.

Pangunahing layunin ng hakbang na ito na ipagpatuloy ang mga proyektong pabahay na naudlot o nahinto sa iba’t ibang kadahilanan, upang sa lalong madaling panahon ay matugunan ang kritikal na pangangailangan ng maraming Pilipino para sa disenteng at abot-kayang tirahan.

Bilang prayoridad sa pagsisimulang muli ng mga proyekto, tutukan ang tatlong stalled vertical housing projects na matatagpuan sa lungsod ng Caloocan.

Kabilang sa mga ito ang Alyansang Mamamayan ng Caloocan Housing Cooperative, ang Hopeville Phase 2 Homeowners Association (HOA) na matatagpuan sa Bagumbong, at ang Genesis Ville Homeowners Association (HOA) sa Camarin.

Ang mga nabanggit na proyektong ito, na binubuo ng 35 low-rise buildings, ay unang naaprubahan at sinimulan pa noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Aquino. (report by Bombo Jai)