BUTUAN CITY – Nagdaos ng coordination meeting ang lokal na pamahalaan ng Butuan kasama ang mga regional office ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA), at Department of Labor and Employment (DOLE) upang matulungan ang mga OFW mula Butuan na nagtatrabaho sa Middle East at nais nang umuwi sa Pilipinas.
Sentro ng kanilang pagpupulong ang paghahanda ng crisis intervention at ang paghahanap ng mga angkop na hakbang para sa kapakanan ng mga OFW na maaaring maapektuhan habang umiinit ang tensyon sa Middle East.
Inalam din ni Butuan City Mayor Lawrence Fortun ang mekanismo ng koordinasyon sakaling magkaroon na ng mga OFW na pauuwiin sa Pilipinas. Isinasaalang-alang din nila ang pag-activate ng Crisis Management Task Force sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng mga kaukulang ahensya.
















