-- Advertisements --

Bilang hakbang upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga field personnel laban sa banta ng papatinding init ng panahon, pormal nang ibinalik ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng heat stroke break simula nitong Lunes.

Nakasaad sa inilabas na Memorandum Circular No. 04 Series of 2026 ng ahensya na bibigyan ng 30 minutong pahinga ang mga traffic enforcer at street sweeper sa bawat shift ng kanilang trabaho.

Ang nasabing polisiya ay mananatiling epektibo hanggang sa ika-31 ng Mayo.

Upang maiwasan ang heat exhaustion, heat stroke, at heat cramps, maglalaan din ang ahensya ng karagdagang 15 minutong pahinga kung sakaling pumalo sa 40 degrees Celsius o higit pa ang heat index sa kalakhang Maynila.

Nilinaw ng MMDA na ipatutupad ang mga break nang salitan o alternate sa mga tauhang nakatalaga sa iisang lugar. Ito ay upang matiyak na hindi maaantala ang daloy ng pamamahala sa trapiko gayundin ang mga road clearing operations.

Kasabay ng pagbabalik ng nasabing polisiya, pinangunahan ni MMDA Chairman Romando Artes ang pamamahagi ng galun-galong inuming tubig at insulated at reusable water bottles sa kanilang mga tauhan sa MMDA Timog Base sa Quezon City.

Naging katuwang sa inisyatibong ito ang mga water concessionaire na Maynilad Water Services, Inc. at Manila Water Company, Inc.

Tiniyak naman ni MMDA General Manager Nicolas Torre III na dadalhan din ng sapat na suplay ng tubig ang lahat ng satellite offices ng ahensya upang mapanatiling hydrated ang mga tauhan habang naka-duty.