-- Advertisements --

Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating Interior Secretary Benhur Abalos bilang bagong Cabinet Secretary ngayong Hulyo 8, 2026.

Muling ibinalik si Abalos sa gabinete matapos ang kanyang pagkabigo sa senatorial race noong 2025.

Si Abalos ay nagsilbi bilang kalihim ng Department of the Interior and Local Government mula 2022 hanggang 2024 at dating chairman ng Metropolitan Manila Development Authority mula 2021 hanggang 2022.

Kilala siya sa pagpapatupad ng mga reporma sa pulisya, kampanya laban sa ilegal na droga, at pagpapalakas ng kakayahan ng mga lokal na pamahalaan.

Bilang Cabinet Secretary, pamumunuan niya ang Strategic Action and Response Office at magsisilbing tulay sa pagitan ng Pangulo at iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Ang posisyon ay muling ibinalik matapos itong buwagin ni Marcos sa pamamagitan ng Executive Order No. 1 noong 2022 bilang bahagi ng rightsizing initiative.

Ayon sa Malacañang, nakatakdang manumpa si Abalos ngayong araw at inaasahang magbibigay ng strategic advice kay Pangulong Marcos sa mga pambansa at pandaigdigang isyu.

Ang appointment ay dumating matapos ang isang taong constitutional ban sa pagtatalaga ng mga natalong kandidato sa halalan.