Aabot sa mahigit 36 toneladang basura ang nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos ang dalawang araw na rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa kahabaan ng EDSA-White Plains Avenue sa Quezon City.
Ayon sa MMDA, umabot sa mahigit 36.5 tonelada ng basura ang nahakot ng kanilang mga tauhan sa isinagawang cleanup operations kasunod ng pagtitipon noong Hunyo 30 at Hulyo 1.
Patuloy rin ang paglilinis sa lugar, kabilang ang pagsasaayos ng mga concrete barrier, pag-aalis ng mga debris, at paghakot ng natitirang basura upang maibalik ang kaayusan at matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at pedestrian.
Samantala, inilipat sa Liwasang Bonifacio sa Maynila ang ikatlong araw ng rally nitong Huwebes matapos bawiin ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang permit para sa pagtitipon sa White Plains Avenue.
Batay sa tala ng mga awtoridad, mahigit 15,000 katao ang dumalo sa unang araw ng rally, habang tinatayang nasa 3,500 naman ang nakiisa sa ikalawang araw.
















