-- Advertisements --

Pinaigting ng Philippine Reclamation Authority (PRA) ang kanilang commitment na sumunod sa Supreme Court Writ of Continuing Mandamus, kasabay ng pangakong tiyakin na lahat ng reclamation projects sa Manila Bay ay sumusunod sa mahigpit na pamantayan sa kalikasan habang tumutulong sa pangmatagalang ecological recovery ng bay.

Ang Writ, na inilabas ng Korte Suprema noong 2019 sa kasong Metropolitan Manila Development Authority vs Concerned Residents of Manila Bay, ay nag-uutos sa mga ahensya ng gobyerno na linisin, i-rehabilitate at pangalagaan ang Manila Bay, at ibalik ang kalidad ng tubig nito sa SB level (Class B sea waters) ibig sabihin, ligtas para sa swimming, skin diving, at iba pang recreational contact activities.

Hindi tulad ng ordinaryong court orders, pinananatili ng continuing mandamus ang oversight ng Korte Suprema hanggang ipakita ng mga ahensya ang ganap at tuloy-tuloy na pagsunod sa utos.

Kinakailangang magsumite ang mga ahensya ng quarterly progressive reports tungkol sa kanilang hakbang sa paglilinis, wastewater management, solid waste management, at pagpapanumbalik ng coastal at marine ecosystems.

Ayon sa PRA, pinapakita ng mandamus na ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi isang pansamantalang proyekto kundi isang permanenteng responsibilidad ng Estado.

Binigyang-diin ng ahensya na ang kanilang reclamation projects ay bahagi ng mas malawak na estratehiya na nagtataguyod ng sustainable development kasabay ng environmental preservation.

Ilang hakbang na ipinatupad ng PRA ay kinabibilangan ng dredging at silt management para mapanatili ang kalidad ng tubig, paglikha ng green buffer zones para protektahan ang mga baybayin, at pagmamanman ng marine biodiversity upang mapanatili ang mga tirahan ng hayop at halaman.

Tiniyak din ng PRA ang kanilang pangako sa rehabilitasyon, pangangalaga, at sustainable development initiatives, na ang Manila Bay ay parehong cultural treasure at mahalagang economic resource.