-- Advertisements --

Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1908 o ang Law Enforcement Body-worn Camera Act na nag-aatas sa mga law enforcement officer na magsuot ng body cameras sa kanilang mga opisyal na operasyon.

Ayon kay Deputy Majority Leader Joseph Victor ā€œJVā€ Ejercito, layunin ng panukala na palakasin ang transparency at accountability sa hanay ng mga awtoridad sa sandaling maisabatas ito.

Sinabi rin ng senador na ang panukala ay magbibigay proteksyon hindi lamang sa mga sibilyan kundi pati na rin sa mga law enforcement habang nagsasagawa ng operasyon.

Dagdag pa niya, magsisilbing ā€œimpartial witnessesā€ ang mga body camera sa pagdodokumento ng mga operasyon ng pulisya.

Sa ilalim ng panukala, magiging mandatory na ang pagsusuot ng body cameras sa mga operasyon ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Bureau of Jail Management and Penology, at Philippine Drug Enforcement Agency.

Itinakda rin sa panukala ang minimum technical standards ng mga gagamiting device upang matiyak ang kalidad ng mga recording, kabilang ang 1080p Full HD resolution, built-in audio recording, date at time stamping, at GPS capability.

Naglalaman din ang panukala ng mahigpit na parusa laban sa mga lalabag, tulad ng hindi pag-activate ng camera sa operasyon, unauthorized access sa recordings, negligent disclosure, tampering, destruction, at iba pang maling paggamit ng mga footage.

Sa oras na maisabatas, inaasahang magiging bahagi na ng standard operating procedure ng mga law enforcement agency ang paggamit ng body-worn cameras sa buong bansa.